Halik Sa Noo
Papa-alis na ako nang kita’y hinalikan sa noo
Tanging alay sa ating bagong pagkakakilala
Halik na nagpaparatig ng pag-iingat sa paghihiwalay
Labi na haplos sa saloobing basà ng magkaka-dugo
Magka-dugong turing nga
Hindi lamang magkaibigang noon lang nagkakilala
Ngunit magkapatid, mag-anak
At kasama sa salinlahi ng adhikain
Nakikita kita na lumalabay-labay sa aking noon ay pasyalan
Wari ko ay napag-iwanan at napaglakihan ko na itong kapirasong mundong ito
Aaminin ko na hija
Hindi pala
Lagi at lagi na lang na nanunumbalik sa akin
Ang landas na ito na aking natahak na
At natatago ng malalim nitong matagal na panahon
Pareho tayo ng tulak ng puso
Ukol sa malawak na pirasong lupang ito
Itong sangkalawakan ng mga kataga at salita
Na ngayon mo pa lamang natutuktok
Habang ako naman ay nagpapanumbalik
Sa pagdaplis sa iyong noo
Aking pag-sang ayon sa iyong
Isip maglayag at kumawala ng walang takot
Sa mundo ng pahiwatig kuro at himig
Ang pagdampi ng labi ko sa noo mo
Pagsang-ayon ng pareho nating ibig
--andoy
12 December 2004
No comments:
Post a Comment